Monday, September 30, 2019

Sino daw kami at ano ang karapatan namin?


Sa mga nagtatanong sa pm ukol sa amin...

Sino daw kami?

→Kami ay maliit na grupo ng mga kapatid sa loob ng Iglesia na naniniwala sa lahat ng nakasulat sa Banal na Kasulatan.

→Kami ay hindi lumalaban sa tumatayong nangunguna sa Iglesia.

→Kami ay hindi nagbabawal sa mga kapatid na sumamba.

→Kami ay hindi nagbabawal sa mga kapatid ukol sa pagtigil sa pag-aabuloy.

→Wala kaming ipinakikilalang propeta o inirerekomendang mangunguna.

→Wala kaming itinatayong bagong religion.

→Wala kaming hangarin sa anupamang materyal na pakinabang kaya namin ito ginagawa. Ang tanging hangarin ay maghayag ng mga katotohanan ukol sa nakasulat. 

-----


Bakit daw namin ito ginagawa?


→Itinuring namin itong napakahalagang tungkulin sa ikababanal.

→Ginagawa namin ito para maipakilala ang kadakilaan ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Panginoong JesuCristo at ang Kanilang paghahari.

→Ipinakikilala namin ang Panginoong JesuCristo bilang nag-iisang anak na Messiah at propeta na pinili ng Amang Diyos - ang Una at Huli, ang Alpha at Omega.

→Ito ay ginagawa namin para sa ikapagiging handa ng lahat ukol sa katuparan ng mga hula ng ating Panginoong JesuCristo upang maingatan ang pananampalataya ng mga kapatid at maging kami bago sumapit ang nakatakda sa mundo.

→Nais naming mahikayat ang lahat ukol sa pagsisikap sa ganap na pagbabagong buhay at ikapagiging banal.

→Nais naming mahikayat ang lahat na magbasa din ng Banal na Kasulatan at palagiang mging parte na ito ng kanilang buhay sa araw-araw.

→Nais naming mahikayat din ang iba na makapagpakain din ng kaluluwa ng mga nanghihina sa pananampalataya at ganap na makilala ang tunay na kadakilaan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Panginoong JesuCristo. 


-----------------

Maaring sabihin ng iba..."Hindi naman kayo mga ministro, may karapatan ba kayong maghayag ng mga salita ng Diyos?"

Sagot:
May karapatan kami, sapagkat batay sa nakasulat sa huling panahon ay hindi lang mga ministro ang magpapahayag ng mga salita ng Diyos. Marami ang pagkakalooban ng Kanyang Espiritu at makakapagpahayag ng Kanilang mga mensahe. Maraming patunay na talata na maaring maghayag ang sinumang ayon sa kaloob na ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoong Diyos. 

Katunayan:

Gawa 2
17‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.

1 Pedro 4
10 Ayon sa biyaya na tinanggap ninyo ay ipaglingkod ninyo sa inyong kapwa. Maglingkod kayo gaya ng mabuting katiwala sa masaganang biyaya ng Diyos. 11 Kung ang sinuman ay magsalita, magsalita siya tulad ng isang nagsasalita ng salita ng Diyos. Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya ayon sa lakas na ibinibigay sa kaniya ng Diyos. Gawin niya ang mga ito upang papurihan ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kaniya ang karangalan at paghahari magpakailan pa man. Siya nawa.


1 Corinto12:4-6
4 May iba't ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. 5 May iba't ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Panginoon. 6 May iba't ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.

-----------------

At maaring sabihin pa ng iba..."Mga propeta ba kayo para maunawaan ang mga hula at ipahayag ito sa mga tao?"

Sagot:
Hindi kailangang maging sugong propeta para maunawaan ang nakasulat. Tinuruan tayong magsikap upang maunawaan ang karunungang mula sa Panginoong Diyos.

Kawikaan 2
Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,
pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan.

4 Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,
at tulad ng ginto, na iyong miminahin,
5 malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh,
at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
6 Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan,
sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
7 Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
at ang taong matapat ay kanyang iingatan.


Bawat isa din ay bahagi ng katawan ng Panginoong JesuCristo, at mayroong may kaloob ukol sa kaalaman at pagsasalita ng mensahe ng karunungan na mula sa Panginoong Diyos. 

Katunayan: 

1 Corinto 12 
7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito.


Na gamitin... 

Roma 12
6 Tumanggap tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyanKung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.



Iniutos ba ng Panginoong JesuCristo na itago ang talentong ipinagkaloob sa iyo? Ang sagot ay HINDI! Itinuturing niyang walang kabuluhan ang alipin na ibinabaon ang talentong ipinagkaloob sa kanya, at siya'y itinapon sa kadiliman dahil hindi nalugod ang Panginoon sa kanya. . 

Katunayan:

Mateo 25 ESV (Isinalin sa tagalog)
25 kaya't natakot ako, at nagpunta ako at ITINAGO ang iyong talento sa lupa. Narito ang nasa iyo. '26 Ngunit sinabi sa kanya ng kanyang panginoon,' Ikaw na masasama at tamad na lingkod! Alam mo ba na umani ako kung saan hindi ko naihasik at nagtipon kung saan hindi ako nakakalat? 27 Kung magkagayo'y dapat mo namang ibayad ang aking salapi sa mga tagabangko, at sa aking pagparito ay dapat kong matanggap ang aking sarili na may interes. 28 Kaya kunin mo ang talento at ibigay sa kanya na may sampung talento. 29 Sapagka't sa lahat ng may higit ay mabibigay, at siya'y magkakaroon ng kasaganaan. Datapuwa't ang wala, sa makatuwid baga'y yaong nasa kaniya ay aalisin. 30 At itapon mo ang walang kabuluhang lingkod sa kadiliman sa labas. Sa lugar na iyan magkakaroon ng pag-iyak at pagngangalit ng ngipin. '


------------------

Hindi ba't aral sa atin ay "Huwag patayin ang ningas ng Espiritu?", Iyan ang ginagawa namin ngayon. PInag-aalab namin ang pananampalataya namin sa pamamagitan ng pagtuklas ng karunungan at higit pang katotohanan upang makapagpakain ng kaluluwa ng marami at mapalakas narin ang aming pananampalataya. 


Gaya ng nasusulat...
1 Tesalonica 5
19 HUWAG NINYONG PATAYIN ANG NINGAS NG
BANAL NA ESPIRITU. 20 HUWAG NINYONG HAMAKIN ANG MGA PAGHAHAYAG
. 21 Suriin ninyo ang lahat ng mga bagay. Hawakan ninyo ang mabuti.

Mateo 5
14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. 15 Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.


-----------------------

Naniniwala kami na hindi walang kabuluhan ang ginagawa naming paglilingkod sa Diyos, sapagkat nasusulat...PINAGPAPALA!


Pahayag 1
3 PINAGPALA ANG BUMABASA ng mga salita ng propesiyang ito sa mga tao, AT ANG MGA NAKIKINIG AT TUMUTUPAD ng mga bagay na nakasulat dito, sapagkat malapit na ang takdang panahon.